Iniimbestigahan ngayon sa WPD-General Assignment Section si PO1 Jose Carlos Aleta, 33, nakatalaga sa WPD Field Force habang ang biktimang si Maricel Agujot, 21, ay ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang pumasok sa Greasy Fastfood and Restaurant ang suspect na matatagpuan sa 1664 España Blvd. sa Maynila.
Nabatid na nakainom ang pulis kung kayat naupo ito at nakatulog.
Dahil sa malapit nang magsara ang nasabing restaurant ay ginising ito ng biktima. Nabigla naman ang suspect sa pagkagising at nagalit sa biktima.
Mabilis nitong binunot ang kanyang service firearm at saka binaril sa biktima na mabuti na lamang at dumaplis lamang sa mukha.
Kaagad namang nakaresponde ang mga tauhan ng pulisya at nadakip ang kanilang kabarong suspect, habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima. (Ulat ni Grace dela Cruz)