Ang naturang hakbang ayon kay LTO Chief Roberto Lastimoso ay alinsunod sa napagkasunduan niya at ni DOTC Secretary Larry Mendoza kasama ang transport groups sa pangunguna nina IMBOA president Claire dela Fuente, PISTON president Medardo Roda, ACTO president Efren de Luna at FEJODAP president Zenaida Maranan.
Ang ipinagkaloob na tatlong buwang moratorium sa mga transport groups ay naglalayong makatugon ang mga ito sa emission standard na itinakda alinsunod sa Republic Act 8749 na kilala bilang Clean Air Act of 1999.
Sa ginanap na press conference kahapon, ipinaliwanag ni Lastimoso na ang pagbibigay ng graceful period partikular na sa lahat ng Public Utility Jeepneys (PUJs) ay para mabigyan ng sapat na panahon ang mga driver na maisailalim sa emission test ang kanilang mga sasakyan.
Upang hindi mabigatan ang mga driver sa gastusin, nabatid na ang mga ito ay tutulungan ng DENR para makapag-loan sa Asian Development Bank of the Philippines para sa kanilang gagastusin para sa pagka-calibrate ng mga makina ng kanilang sasakyan.
Tinatayang may P35,000 ang nakalaang pondo para ma-loan ng mga driver kung saan ang magiging kolateral ay ang kanilang mga Certificate of Registration (CR) at Official Receipt (OR).
Ang 90 araw na graceful period ay ipapatupad base sa ending ng numero ng plaka ng sasakyan kaya inaasahang sa taong 2004 pa maisasailalim sa calibration ang lahat ng sasakyan.
Samantala, tuloy naman ang pagpapatupad sa Enero 6 ng emission test sa lahat ng mga magpaparehistrong pribadong sasakyan sa Metro Manila, Region 3 at 4.
Mahigpit namang binalaan ni Lastimoso ang lahat ng Private Emission Testing Centers (PETC) na aalisan sila ng lisensiya sa sandaling magsagawa sila ng pandaraya sa emission test, samantalang sisibakin naman sa tungkulin ang mga empleyado ng LTO na makikipagsabwatan sa mga ito.
Nabatid na mayroong 300,000 behikulo ang inirerehistro kada buwan kung saan 60 porsiyento dito ay mula sa NCR. (Ulat nina Angie dela Cruz at Joy Cantos)