P6-M puslit na gulay nasabat

Mahigit kumulang sa P6-M halaga ng fresh vegetables ang nasakote ng Bureau of Customs (BoC) sa Port of Manila (PoM) kahapon.

Sa report kay Customs Commissioner Antonio Bernardo ni Deputy Commissioner Ray Allas, ang shipment ng gulay ay nakalagay sa 4x40 container van at naka-consign sa Golden Crops Merchandizing.

Napag-alaman na dumating ang kargamento sa PoM noong nakaraang Nobyembre sakay ng barkong Hunsa Bhum na galing ng China.

Nang dumating ang nasabing kargamento sa pantalan, kaagad na isinailalim sa pagsisiyasat at doon natuklasan na positibo ang impormasyon.

Natuklasan ng BoC na walang importation permit mula sa Department of Agriculture (DA) ang nasabing shipment ng gulay kaya’t illegal ang pagdadala nito sa bansa.

Inirekomenda ni Bernardo ang pag-iisyu ng Warrant of Seizure and Detention laban sa nasabing shipment dahil sa paglabag sa Section 2530 ng Tariff Customs Code of the Philippines (TCCP).

Inatasan naman ni Bernardo ang paghaharap ng kaso laban sa mga taong nasa likod ng nasabing smuggling activities. (Ulat ni Jhay Quejada)

Show comments