Nagpalabas si Salazar ng QCRTC Branch 103 ng warrant of arrest laban kina Jimmy Chua, Man Chuck Li, Willy Ang, Tom Chua, Lai Nar, Sam Li Chua, Concepcion Andohon, Jessilyn Lamosa, Sally Ong at Jaim Maramanay matapos na baligtarin nito ang naunang desisyon ni QCRTC Judge Emilio Leanchon ng Branch 224 noong Nobyembre 15, 2002.
Nabatid na ang mga suspect ay agad ding pinalaya noong Nobyembre 15 matapos ang ibinabang desisyo ni Leanchon. Subalit ang nasabing desisyon ay kinuwestiyon ni Asst. City Prosecutor Luis Maceren na agad namang naghain ng motion for inhibition at recall sa nasabing release order.
Sa ipinalabas namang order ni Salazar, sinabi nito na may mali sa ginawang dismissal sa kaso ng 10 suspect. Aniya, malakas na ebidensiya ang tao na nakarinig at may sapat na kaalaman sa iligal na aktibidades ng mga akusado tulad ng pagtatayo ng shabu laboratory sa paggawa ng mga ipinagbabawal na gamot.
Matatandaan na dinakip ng mga tauhan ng Regional Intelligence Special Service Office (RISSO) ng NCRPO ang 10 suspect noong Hulyo 18 sa #15-B Gonzales St., Xavierville, Loyola Heights, QC sa bisa na rin ng ipinalabas na warrant of arrest ni Manila RTC Executive Judge Enrico Lanzanas noong Hulyo 16, 2002. Nakuha sa mga ito ang may ilang kilo ng shabu. (Ulat ni Doris M. Franche)