Ang emission test ay pre-registration requirement upang maapula ang polusyong nagmumula sa mga sasakyang pribado at pampubliko.
Sa kasalukuyan, tanging mga sasakyang pribado pa lamang ang dumadaan sa ganitong klase ng pagsusuri dahil sa pagkaantala ng pagpapatupad nito para sa mga pampublikong sasakyan.
Sa darating na Enero 2 pa lamang makakabilang ang mga pampublikong sasakyan sa emission test.
Gayunpaman, 10 hanggang 15 porsiyento ng mga pribadong sasakyan ang bumabagsak sa emission test, ayon sa ilang may-ari ng private emission testing centers, o PETCs.
Ang bilang na ito ay inaasahan naming tataas pa hanggang 30 porsiyento simula sa Enero 2 kung kailan makakasama na ang mga PUVs (public utility vehicles) sa emission tests, ani Jojo Buerano, isang PETC owner sa Las Piñas City.
Dahil dito, maraming sasakyan ang mangangailangan ng serbisyo ng mga government-accredited emission repair shops para makapasa sila sa emission test, dagdag ni Buerano.
Gayunpaman, ang mga PETCs ay pinagbawalan ng Kagawaran ng Transportasyon na magtayo ng emission repair shops dahil sa conflict of interest.
Ang regulasyong ito ay nagbukas ng isang magandang pagkakataon para sa ibang mga mangangalakal na may kakayahang magtayo ng emission repair shops.
Kaiba sa mga PETCs, ang emission repair shop ay hindi sakop ng maraming kondisyon, regulasyon at interbensiyon ng pamahalaan at marami itong serbisyo na puwedeng pagkakitaan.
Dahil dito, marami sa mga dating nagbabalak magtayo ng PETC ang ngayoy nag-iisip na magtatag na lamang ng emission repair shops.
Samantala, ang mga motorista ay pinapayuhan na magpa-emission test habang maaga para maiwasan ang mahabang pila sa darating na taon.