Miyembro ng Korean Mafia tugis

Nagsanib ng puwersa ang Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration (BI) at Philippine National Police (PNP) ng isang malawakang manhunt operation laban sa ilang miyembro ng kilabot na Kwang Jun Pa, isang Korean Mafia na sangkot sa wide scale smuggling ng luxury vehicles sa bansa.

Nabatid na nakikipag-ugnayan na ang Korean Interpol sa BOC, BI at PNP upang makakuha ng data at profile ng mga aktibong miyembro ng sindikato na kasalukuyang nasa bansa upang matiyak na maisasama sila sa order of battle para sa agaran nilang pagkakadakip.

Bukod pa umano sa pagpupuslit ng luxury vehicles, sangkot din ang mga ito sa prostitusyon, illegal drugs, extortion at money laundering.

Nakaalerto ang BOC sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), isa sa pangunahing entry points ng mga smugglers matapos makatanggap ng intelligence reports na ang luxury vans ay ibabagsak bilang mga diplomatic cars at cars for religious purposes.

Ipinag-utos naman ni BI Commissioner Andrea Domingo sa kanyang mga tauhan na manmanang mabuti ang mga pumapasok na Koreano na nagpapanggap bilang mga misyonaryo, negosyante, estudyante at turista.

Sa kasalukuyan ay kinakalkal ng BI ang files ng mga Koreano na pumasok sa bansa upang masiguro ang pagkatao ng mga ito na posibleng miyembro ng sindikato.

Maging ang BOC ay nagsasagawa ng imbestigasyon kung may katotohanan ang mga ulat na ang ilan nilang mga tauhan ay nakikipagsabwatan sa Korean syndicate. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments