Lalaki hinostage ang sarili sa tupada

Nabulabog ang mga empleyado ng Department of Interior and Local Government (DILG) makaraang magwala at i-hostage ng isang bilanggo ang kanyang sarili sa pamamagitan nang paglaslas sa kanyang pulso, kahapon ng umaga sa Quezon City.

Isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) si Melvin Termil, 30, ng West Bicutan, Taguig matapos na laslasin nito ang kanyang kaliwang pulso.

Batay sa ulat ni Supt. Noel Estanislao hepe ng DILG Task Force Jericho, dakong alas 12:45 ng tanghali ng biglang magwala si Termil sa loob ng kawanihan sa Francisco Gold Condominium sa EDSA, Quezon City.

Lumitaw na isang linggo nang walang dalaw si Termil mula ng madakip ito ng mga awtoridad sa isang pagsalakay sa tupadahan sa West Bicutan.

Kahapon ng tanghali ay dinalaw ito ng kanyang tiyahin upang piyansahan, subalit sa halip na matuwa ay biglang nagwala at nagsisigaw.

Dinampot nito ang isang bote ng beer na nasa elevator, binasag at saka ginamit na paglaslas ng kanyang pulso.

Nabatid na naburyong si Termil dahil na rin sa pangamba na abutin ito ng Pasko sa loob ng DILG. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments