Sa 62 pahinang desisyon ni QCRTC Judge Abednego Adre, wala umanong naipakitang sapat na basehan at ebidensiya ang prosecution na nagpapatunay na nagkasala si Father Macario Peig Apuya, SVD, 60 sa panghahalay sa biktima na itinago sa pangalang Susan.
Batay sa rekord ng korte, lumilitaw na naganap ang umanoy unang panghahalay ng pari sa biktima nang ito ay 14-anyos pa lamang noong Agosto 26, 1998 at nasundan noong Oktubre, 1998 sa loob naman mismo ng bahay ng pari sa Dagupan City.
Napag-alaman na ang pari na siyang campus minister ng St. Theresas Divine World Academy ang tumayong guardian ng biktima na nagsilbi namang katulong ng pari.
Subalit ibinasura ng korte ang testimonya ng biktima sa pagsasabing inconsistent ang pahayag nito at hindi umano makatotohanan ang alegasyon nito laban sa pari.
Ayon sa korte, nabigo din ang biktima na maalala ang eksaktong petsa ng ikalawang insidente ng panghahalay samantalang natatandaan nito kung kailan isinagawa ng pari ang pangmomolestiya sa kanya.
Sinabi ni Adre na ang consistency ng statement ang unang tinitingnan ng korte upang ma-establish kung totoong may naganap na panghahalay.
Kaugnay nito, bakas naman sa mukha ng pari na napatawad na nito ang dalaga sa kabila ng apat na taon nitong pagkakabilanggo sa QC Jail. (Ulat ni Doris Franche)