Ayon kay Bureau of Corrections Director Ricardo Macala, ang nakalaya ay si Josephre Tajada, 31, tubong Zamboanga del Norte na mula sa hatol na bitay ay pinawalang sala ng Supreme Court.
Sa rekord ng NBP si Tajada ay inakusahang sangkot sa panggagahasa at pagpatay sa 13-anyos na si Sabina Ejalon noong 1997.
Dininig ang kaso sa Zamboanga del Norte Regional Trial Court, Branch 11 at nahatulan itong mabitay noong Disyembre 2000.
Awtomatikong naapela ang kaso nito sa Korte Suprema at sa isinagawang pag-aaral sa kaso, walang sapat na ebidensiyang makita na si Tajada ay sangkot sa naturang kaso kung kaya pinawalang sala ito at inutos ang agarang pagpapalaya. (Ulat ni Lordeth Bonilla)