Si Erap ay dumating sa Mother Ignacia Healing Center and Retreat House sa Bagumbong sakay ng itim na Lexus dakong alas-10:30 ng umaga. Suot nito ang paborito niyang jacket na kulay beige at pulang t-shirt kung saan kasama nitong dumating ang kanyang maybahay na si Sen. Loi Estrada, anak na si Jackie, dating Ambassador Ernesto Maceda at ang isang nurse mula sa Veterans Memorial Medical Center.
Bago pinainom at paliguan ng milagrosong tubig ang dating Pangulo bilang healing bath ni Sister Gloria Ross na siyang namamahala sa Mother Ignacia ay dumaan muna ito sa tinatawag na 5 stations of the cross.
Natapos ang paliligo ng dating Pangulo dakong alas-2:30 ng hapon kung saan agad siyang ibinalik sa VMMC bago sumapit ang itinakdang deadline sa kanya para makabalik sa pagamutan.
Maituturing na isa na ito sa pinakamagastos na paliligo dahil sa gumugol ang pamahalaan ng may P.5 M kung saan ang malaking bahagi ay napunta sa security preparations.
Tinatayang may 1, 500 mga pulis ang nag-escort at nagbantay dito.
Bukod sa mga motorsiklo at mga sasakyang ginamit sa pag-escort sa dating Pangulo, may mga helicopter pa na nagbabantay sa himpapawid sa pagligo nito.
Ipinasya ng dating Pangulo na maligo sa milagroong tubig matapos umano siyang maghanap ng ibang alternatibo para gumaling ang kanyang sakit sa tuhod lalo na ngat hindi siya pinagbigyan ng pamahalaan ng magpagamot sa ibang bansa. (Ulat nina Rose Tamayo,Danilo Garcia at Malou Escudero)