Perwisyong driver binoga, patay

Dahil sa sobrang pamimerwisyo ng isang 56-anyos na jeepney driver tuwing ito ay nalalasing, binaril ito ng isang di-kilalang suspect matapos itong magwala habang lango sa alak, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Hindi na umabot pang buhay sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si Florencio Valdez, ng Phase 8-B, Package 2, Block 25, Lot 1, Bagong Silang, Caloocan City dahil sa isang tama ng bala ng baril sa baga.

Ayon kay PO3 Leonilo Padulaga, may hawak ng kaso, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa biktima kung saan nangyari ito sa harap mismo ng kanyang bahay.

Ang pamamaril ay naganap ilang minuto lamang habang inaawat naman ng purok leader na si Larry Mangilaya ang nasawi dahil sa kanyang pagwawala habang nasa impluwensiya ng alak.

Isang putok ng baril ang umalingawngaw at isang iglap pa ay bumulaga na ang duguang biktima.

Sinasabing hindi malaman ni Mangilaya kung saan nanggaling ang putok dahil inaawat niya ito ng pagbabarilin ang biktima.

Nabatid pa sa ulat na si Valdez umano ay madalas na naghahamon ng away kapag nalalasing kung kaya hinihinalang isa sa mga kapitbahay nito na napundi na sa kanyang pamimerwisyo ang bumaril sa kanya. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments