Nabatid sa rekord na ang mga kinasuhan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ay sina Wang Yashi, alyas Willy Ong; Lin Tsung Huan at ang mga Pinoy na kinilala lamang na Alex at Apien, pawang mga residente ng LBICA Compound, Sitio Malinis, Lawang Bato, Valenzuela City na siyang sinasabing mga caretaker ng laboratoryo ng shabu.
Ang mga nabanggit ay patuloy na pinaghahanap ng pulisya.
Ang mga suspect ay pinaniniwalaang sangkot sa malaking shabu lab na natuklasan noong nakalipas na Disyembre 9, ng magkaroon ng sunog sa naturang lugar at mangamoy ang mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng shabu.
Lalong naging matibay na sangkot ang mga dayuhang Instik nang isang Li Yuk Sau na sinasabing may-ari ng bodega ang lumutang at nagpatunay na inupahan umano ito sa kanya ni Yashi para gawing bodega subalit hindi niya alam na gagawin pala itong laboratoryo ng shabu.
Ilang araw ay muling natunton ng pulisya ang isa pang bodega sa Navotas na pinaniniwalaang iisa ang siyang nag-ooperate katulad ng sa Valenzuela. (Ulat ni Rose Tamayo)