Kaugnay nito, na-hostage niya ng may ilang minuto sa loob ng naturang bangko ang mga empleyado at kliyente na natakot sa banta nitong pagpapasabog.
Gayunman, matapos ang ilang minutong police operation nasukol din ng pulisya ang suspect na nakilalang si Dominador Raymundo, 36, ng #65 Hervacio St., Calumpang, Binangonan Rizal.
Ayon sa pulisya, dakong alas-10:20 ng umaga nang mambulabog ang suspect sa loob ng Allied Bank sa Aurora Boulevard, malapit sa Katipunan Road.
Agad itong nagpahayag na may dala siyang bomba at iniutos na isara ang bangko.
Napiit sa loob ng bangko ang mga empleyado at ilang kostumer.
Dahil sa nataranta at nagkagulo na ang mga tao sa loob ay napindot ng isang empleyado ang security alarm kung kayat mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng pulisya.
Nakagawa ng paraan ang ilang pulis na makapasok sa loob ng bangko at masukol ang suspect at saka inilabas.
Bagamat tensiyonado, unti-unting tinanggal ng mga tauhan ng SWAT ang umanoy bomba na nakakabit sa katawan ni Raymundo.
Laking gulat na lamang nila nang makita na pawang styropor ang nasa katawan nito.
Binanggit pa ng pulisya na nakatakdang isailalim sa pagsusuri ang suspect para mabatid kung may diperensiya ito sa pag-iisip. (Ulat ni Doris Franche)