Killer mom, kinasuhan na

Pormal nang sinampahan ng kasong parricide ang 24-anyos na ina na pumatay sa kanyang isang-buwang gulang na anak kamakalawa sa Tondo, Manila.

Sinabi ni Det. Jericho Jimenez ng Western Police District-Homicide Division, lumalabas sa autopsy report ng sanggol na si Jomarie na ito ay pinatay hindi sa pagkakapalo ng hair brush ng suspect na ina na si Raquel Santiago, residente ng #398 Coral St., panulukan ng Pacheco St., Tondo, kundi sa pagkakasaklob ng unan sa mukha nito.

"Na-suffocate ’yung sanggol kasi tinabunan ng unan ng suspect, tapos siguro akala niya hindi pa patay kaya di pa siya nakuntento kaya pinagpapalo pa sa iba’t ibang parte ng katawan ng sanggol," ani pa ni Jimenez.

Ang mga pasa sa katawan ng sanggol ay posibleng natamo naman nito dahil sa pinagpapalo ang kanyang mga kamay.

Magugunita na ang insidente ay naganap kamakalawa ng umaga sa loob ng kanilang bahay.

Ayon sa tiyahin ng suspect, laking gulat na lamang niya nang makita niyang nangingitim na ang sanggol kung kaya’t mabilis niyang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Hospital ngunit hindi na umabot pa ito ng buhay.

Nabatid na ang suspect ay gumagamit umano ng rugby at posibleng natuyo na ang utak nito kung kaya’t nagagawa na nito na bugbugin ang kanyang sariling mga anak. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments