1 month old baby, patay sa ina

Pinagpapalo hanggang sa mapatay ng isang ina ang isang buwang gulang niyang anak makaraang maburyong ito, kahapon ng umaga sa Tondo, Manila.

Nakilala ang suspect na ina na si Raquel Santiago, 24, ng 398 Coral St., panulukan ng Pacheco St., Tondo, Manila. Si Santiago ay kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng WPD matapos ang isinagawang krimen.

Nabatid mula kay Det. Jericho Jimenez, dakong alas-7 ng umaga nang makita niyang patay ang sanggol na si Jomarie na tadtad ng mga pasa sa katawan.

Ayon sa tiyahin ng suspect laking gulat na lamang niya ng makitang nangingitim na ang sanggol kung kaya’t mabilis niya itong isinugod sa Jose Reyes Memorial Hospital ngunit hindi na umabot pang buhay.

Malaki ang paniwala na hair brush ang siyang ipinalo ng ina sa kanyang anak.

Nabatid pa sa isinagawang imbestigasyon na may apat pang anak ang suspect na pinaampon din dahil sa pagmamalupit na nararanasan din ng mga ito sa ina.

Ang asawa ng suspect na si Joel Cariilo ay sinasabing nakapiit din dahil sa pambubugbog din sa kanilang mga anak.

Binanggit pa sa ulat na talamak na sa pagsinghot ng rugby ang suspect na ina at pinaniniwalaang natuyo na ang utak nito kaya nagawang saktan hanggang sa mapatay ang anak.

Gayunman, mariing itinanggi ng suspect ang naturang pagpatay kasabay nang pagsasabing " hindi ko pinatay ang anak ko baka masyado lang mahigpit ang kanyang bigkis kaya hindi siya nakahinga".

Inihahanda na ng pulisya ang kasong parricide laban sa killer mom. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments