Inatasan ni Immigration Commissioner Andrea Domingo na magsagawa ng deportation proceedings laban sa mga dinakip na sina Mohammed Fakharuddin; Mohammed Sharifuzzaman; Mohammad Shahin; Mohammad Farukuzam; Mohammad Babarshah; Ali Osman; Munsur Rahman at Wahidul Alam na nakapiit ngayon sa BI jail sa Bicutan.
Ayon kay Domingo, naaresto ang mga nabanggit na dayuhan sa NAIA departure area bago makasakay sa Philippine Airlines patungong Vancouver, Canada.
Nabatid na dumating sa bansa ang mga dayuhan bilang mga transit passenger sakay ng Thai Airways mula Bangkok at nagpanggap na mga seaman. Nang maaresto ang mga ito, sinabing papunta sila sa Canada at doon nakahimpil ang barkong kanilang sasakyan.
Subalit sa isinagawang beripikasyon ng BI sa Canadian Port Authority napag-alaman na umalis na noon pang Setyembre 29 ang barkong binanggit ng mga ito at hindi pa bumabalik sa puerto.
Natuklasan din na may alteration ang pasaporte at seamans book ng mga dayuhan.
Tatlo sa mga ito ang sinasabing nasa watchlist ng FBI bilang mga suspected terrorist, ang mga ito ay sina Monsur Rahman; Mohammad Shabin at Ali Osman. (Ulat ni Jhay Quejada)