Halos hindi na makagulapay sa matinding panghihina ng saklolohan ng mga napadaang sibilyan matapos iwanan ng dalawang suspect ang biktima na itinago sa pangalang Lilibeth.
Ang paslit ay mabilis na isinugod sa Rizal Medical Center para malapatan ng lunas.
Samantala, nakilala naman ang isa sa nadakip na suspect na si Restituto Barrios, 21, isang technician ng Baltazar St., Barangay Palatiw ng naturang lungsod. Pinaghahanap naman ang kasamahan nitong suspect na nakilala lamang sa alyas na Jorge.
Si Barrios ay dinakip makaraang positibong kilalanin ng bata na isa sa humalay sa kanya makaraang magbalik ito sa pinangyarihan ng insidente para kunin ang naiwan niyang bisikleta sa loob ng sementeryo sa Brgy. Caniogan, Pasig City.
Base sa imbestigasyon, ang insidente ay naganap dakong alas-6:30 ng gabi kamakalawa sa loob ng sementeryo sa nabanggit na lugar.
Nauna dito, niyaya umano ni Barrios ang batang biktima para bumili sila ng ihaw-ihaw sa kanto, bagay na pinaunlakan naman ng ina ng bata dahil sa itinuturing na nila ang suspect na kapamilya at halos kuya na ni Lilibeth.
Sa tindahan ay dumating umano si Jorge na nagyaya ng inuman kay Barrios sa sementeryo.
Nang malasing na ay sinimulan nang halayin ng dalawang hayok ang bata at saka iniwan sa loob ng sementeryo.
Sa presinto, inamin ni Barrios ang isinagawang krimen kasabay nang pagsasabing si Jorge ang siyang unang humalay sa bata. (Ulat ni Joy Cantos)