Task Force Diplomatic Protection binuo

Upang palakasing tuluyan ang seguridad sa lahat ng embahada ng mga kaalyadong bansa, binuo ng Philippine National Police (PNP) ang Task Force Diplomatic Protection kasabay sa mga tinatanggap na banta ng terorismo.

Sinabi ni PNP Spokesman Senior Supt. Leopoldo Bataoil, na nabuo ang naturang Task Force matapos ang isinagawang pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng mga security officers ng mga embahada upang pagsanibin ang lahat ng puwersa.

Inaprubahan ito ni PNP Chief Director General Hermogenes Ebdane kung saan tututukan nito ang pagbabantay sa mga diplomats na nasa bansa at maging sa mga gusali ng kanilang tanggapan.

Sa pamamagitan umano nito, madali nang makakahingi ng dagdag na tauhan ang isang embahada kung may biglaang threats sa kanilang seguridad at hindi na didiretso pa sa Police Security Protection Office.

Kasalukuyang sarado pa rin ngayon ang embahada ng Australia at Canada sa Makati kung saan isinasagawa lamang ang kanilang maliliit na transaksyon sa pamamagitan ng answering machine. (Ulat nina Danilo Garcia at Doris Franche)

Show comments