Ayon kay Bureau of Correction Director Ricardo Macala, ban na at hindi na papayagang makadalaw sa bilangguan si Merlinda Bondoc, katulong ni dating Rizal, Zamboanga del Norte Mayor Rey Yap na nasentensiyahan sa kasong pagpaslang.
Si Yap ay isa rin sa hinihinalang utak sa pagpaslang kay Rizal Vice Mayor Perfecto Cebedo na naganap dalawang linggo na ang nakakaraan sa may Fil-Invest, Barangay Alabang sa Muntinlupa.
Ayon kay Macala, naganap ang insidente dakong alas- 3 kamakalawa ng hapon. Dadalaw umano si Bondoc sa kanyang among si Yap nang mapansin ng ilang prison guard na kakaiba ang lakad nito at paika-ika.
Nagduda ang mga guwardiya sa kilos ni Bondoc kaya isinagawa nila ang masusing inspeksyon hanggang sa makita nila ang isang mamahaling cellphone na nakalagay sa isang napkin na nakapasak sa ari nito.
Kaagad na kinumpiska kay Bondoc ang naturang cellphone na pinaniniwalaang ibibigay nito sa among si Yap.
Dahil sa insidente, nag-utos si Macala na hindi na puwedeng dumalaw si Bondoc at maging ang dinadalaw nitong inmate na si Yap ay inilagay sa restricted status. (Ulat ni Lordeth Bonilla)