Kinilala ni Immigration Commissioner Andrea Domingo si Eduardo Mina na naaresto ng mga elemento ng BI special operations team sa kanyang tirahan sa #6 Hermoda St., San Francisco del Monte, Q.C.
Si Mina ay naaresto sa pamamagitan ng mission order na ipinalabas ni Domingo makaraang iparating ng embahada ng US sa Maynila na kinansela na ang pasaporte ng suspect ng State Department, kung kayat undocument alien na ito.
Ayon kay Domingo, ipapa-deport si Mina sa susunod na linggo sa Guam na kung saan susunduin ito ng Federal Bureau of Investigation (FBI) agents na mag-eescort sa kanya papasok sa US Mainland.
Sa pahayag ng embahada ng US, si Mina kasama pa ang pitong inireklamo ay kinasuhan na sa District Court ng Hawaii noong Mayo 22, 2002 kung kayat nagpalabas ito ng warrant of arrest laban sa una.
Si Mina at pito pa ay kinasuhan ng "racketeering, extortion, bribery at affecting interstate by extortion" dahil sa kanyang illegal na aktibidades noong nagtatrabaho pa ito sa Honolulu Liquor Commission.
Bawat isa ay kinasuhan ng one count ng paglabag ng US Racketeering Influenced at Corrupt Organizations Act, na mas kilala bilang RICO Law at three counts ng paglabag ng Hobbs Act dahil sa panunuhol at pangingikil. (Ulat ni Jhay Quejada)