Trader nilooban na pinatay pa

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang negosyanteng may-ari ng convenience store ng mga armadong kalalakihang miyembro ng robbery gang na nanloob sa kanyang tindahan sa Valenzuela City, kamakalawa.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktima na nakilalang si Ramon de Leon, ng Block 1, Lot 69, Phase 5 Meyland Village, Linguan ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:30 kamakalawa ng gabi ng maganap ang insidente habang ang biktima ay kasalukuyang nagbabantay sa kanyang ‘Name It Store’ na nasa Molave at Yakal St. sa Meyland Village nang biglang dumating ang mga suspect na armado ng di mabatid na kalibre ng baril.

Nang makita ng mga suspect ang biktima ay agad itong pinaulanan ng bala ng baril na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Ilang segundo pa ay nilimas na ng mga suspect ang lahat ng kita ng biktima at iba pang mahahalagang gamit sa tindahan nito at pagkatapos ay mabilis ng nagsitakas.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol dito at ang ginagawang pagtugis sa mga salarin. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments