'All female section' sa LRT pasisimulan

Upang makaiwas ang mga kababaihan sa pangmomolestiya at pagsasamantala ng mga kalalakihang mahilig manantsing, magkakaroon na ng ‘all female section’ sa lahat ng mga istasyon ng Light Rail Transit (LRT) sa Metro Manila.

Ito ang inihayag kahapon ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Teddy Cruz Jr. kung saan simula sa Disyembre 2 ng kasalukuyang taon ay magkakaroon na ng ‘pilot test’ sa nabanggit na programa.

Sa kabila nito, makakapamili pa rin ang mga pasaherong babae kung sa ‘all female section’ nila gustong sumakay lalo pa nga’t may mga kasama ang mga itong asawa o boyfriend.

Ang hakbang ayon kay Cruz ay bunsod na rin ng maraming sumbong sa kanilang tanggapan ng mga babaeng pasahero na biktima ng pananamantala at pananantsing ng ilang mga kalalakihan sa LRT lalo pa nga’t siksikan.

Nabatid na ang panukalang special area para sa mga kababaihan ay ipaprayoridad ang mga senior citizen, mga buntis, may kapansanan at mga ina na may dalang mga anak lalo na kung ito ay sanggol.

Ilalagay naman ang ‘all female area’ sa unang bahagi ng LRT station. Nabatid pa kay Cruz na upang maiwasan naman ang pagkalito sa panig ng mga commuters ay aasistihan ang mga ito ng mga security guards na nakatalaga sa mga istasyon ng LRT. (Ulat ni Joy Cantos )

Show comments