Apo ni Secretary Ople tiklo sa shabu

Dinakip ng mga tauhan ng Pasig City Police ang apo ni Foreign Affairs Secretary Blas Ople na pinaghihinalaang drug dealer sa isinagawang operasyon sa lungsod.

Nakilala ang nadakip na si Ramon Ople, 35, ng Villarama St., Norzagaray, Bulacan.

Ayon sa pulisya, si Ople ay naaktuhang nagbebenta ng mahigit sa 25 gramo ng shabu kamakalawa dakong alas-9:15 ng gabi sa may Victoria St., Barangay Santolan ng nabanggit na lungsod.

Ang operasyon ay isinagawa matapos na magbigay ng tip sa pulisya ang isang informer. Matapos na matunugan ang entrapment operation ay agad na nagtatakbo si Ople subalit agad din itong nasakote sa loob ng isang bahay sa nasabing lugar matapos ang ilang minutong habulan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments