Kinilala ang mga biktima na sina Liza Fortes, barangay kagawad at ang dalawang anak na dalagang sina Twinkle, 21 at Patricia, 18, pawang residente ng Sandejas St., Senator Gil Puyat Avenue, Pasay City.
Samantala, kinilala ang suspek na agad ding ikinu-long na si Allan Ignacio, 30, residente ng Villaruel St., ng lungsod na ito.
Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-3 kahapon ng hapon sa loob ng bahay ng mga biktima na ilang metro lamang ang layo sa Police Community Precint (PCP) 2, Senator Gil Puyat Ave.
Nauna rito ay hinahabol ng mga tanod ang tatlong holdaper-snatcher kabilang si Ignacio at sa takot na mahuli ay pumasok sa bahay ng mag-iinang biktima at tinutukan ng patalim at hinostage.
Kaagad namang natimbrihan ang Pasay City Police at kaagad rumisponde ang mga kagawad ng SWAT at nakipagnegosasyon sa loob ng isat kalahating oras.
Sa takot ni Ignacio na matulad sa hostage-taker na si Talvo, kaagad itong sumuko sa mga pulis habang ang dalawang kasamahan nito na hindi pa batid ang mga pangalan ay mabilis na nagsitakas.
Matatandaan na noong Mayo 31 ng taong ito, naging kontrobersiyal ang Pasay City Police, dahil sa kapalpakan ng mga ito makaraang mapatay ang biktimang si Balala at suspek na si Talvo na naganap sa Philtranco Terminal, Edsa Avenue, ng lungsod na ito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)