Ginang na dumukot ng paslit, arestado

Dinakip kahapon ng pulisya ang isang ginang na tumangay sa isang 3-anyos na batang babae habang namamasyal sa Luneta Park, matapos ang pitong buwang pagtatago.

Kasalukuyang nakapiit sa WPD Integrated Jail ang suspect na nakilalang si Evelyn dela Cruz, 34, ng Sitio Boso Boso, Antipolo City .

Base sa ulat naganap ang pagdukot sa biktimang itinago sa pangalang Aiza noong nakalipas na Abril 15 ng taong kasalukuyan.

Halos mawalan ng ulirat si Nora Asis, 30, ina ng biktima, ng Block 15 Lot 17, Tangete St. Maywood Subdivision, Bacoor Cavite dahil sa pagkawala ng kanyang anak.

Base sa imbestigasyon, namamasyal ang mag-ina sa Luneta nang lapitan ng suspect at doon ito ay nakipagkaibigan. Nahuli ng suspect ang loob ni Nora. Sinamahan pa ng suspect sa banyo para umihi ang bata na pumayag naman ang ina nito at hindi akalain tuluyang tatangayin ni dela Cruz ang kanyang anak.

Inamin naman ng suspect na tinangay niya ang bata sa kagustuhan niya na magkaroon ng anak. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments