Batay sa sampung pahinang resolusyon ni Raymunda Cruz-Apollo, 3rd Assistant City Prosecutor ng Manila, sinabi na ang kasong iniharap ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kina Atty. Ma Angelina Matibag, dating hepe ng Education and Information Division sa komisyon at Rodolfo Fortich na sinasabing tauhan ni Matibag ay dapat na ipawalang-saysay dahil sa kakulangan sa ebidensiya.
Sina Matibag at Fortich ay naunang isinangkot sa pagpatay sa biktimang si Cinco at pagkasugat sa anak nito na si Carlo habang papasok ang nasawi sa nasabing tanggapan noong nakalipas na Nobyembre 20.
Sakay ang mag-ina sa isang KIA Pride na tumatahak sa Eden St. sa Sta. Ana, Maynila nang tabihan ng hindi nakikilalang suspect sakay sa motorsiklo.
Namatay si Cinco dahil sa ibat-ibang tama ng bala ng baril sa katawan, habang ang kanyang anak ay nagtamo ng tama sa balikat.
Sinabi ng mga kaanak ng biktima na bago umano mapatay si Cinco tanging si Matibag lamang ang mayroon umanong motibo dahil sa tahasang pagbabanta nito sa buhay ni Cinco.
Nag-ugat umano ang alitan ng dalawang opisyal ng COMELEC nang alisin ni dating COMELEC Chairman Alfredo Benipayo si Matibag bilang hepe ng EID at ipalit si Cinco dahil sa pagkabigo umano ng una sa pagpapatupad sa information campaign noong nakalipas na May election.
Patungkol sa kaso hindi nakumbinsi ang prosecutor na may kinalaman si Matibag kasabay nang pagsasabing matapos na sabihin nito na ang kaso laban dito ay base lamang sa hinala at sabi-sabing ebidensiya. Gayundin ang motibo umano ay hindi pruweba para sa krimen. (Ulat ni Jhay Quejada)