Mga Japayuki idineport dahil sa pekeng pasaporte

Daan-daan nang mga entertainers ang ipina-deport ng mga opisyales ng Japan habang may 200 pang mga promoters ang kinansela o sinuspinde ang mga lisensiya dahil sa paggamit ng mga pekeng pasaporte na ibinibigay ng mga malalaking sindikato sa bansa.

Kaugnay nito, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesman Leopoldo Bataoil na hinahabol na nila ngayon ang naturang mga sindikatong nagpapakalat ng mga pekeng pasaporte.

Kasalukuyan umano sila ngayong nakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang magsagawa ng imbestigasyon sa kanilang hanay at makilala ang mga opisyal at empleyado na kontak ng naturang mga sindikato.

Base sa ulat, dahil sa pagkalat ng mga pekeng pasaporte, nagsagawa na ng malawakang crackdown ang pamahalaan ng Japan kung saan nagsagawa ng mga raid sa mga night clubs sa Tokyo nitong nakaraang Setyembre.

Iniulat din na partikular na pinagdadakip ng Japanese Immigration sa pamumuno ni Hidenori Sakanaka ang mga Pinay na entertainers na itinuturing pa rin umano nito na "comfort women".

Dahil sa tuluy-tuloy na crackdown, apektado rin ang mga Pilipino na may hawak na legal na pasaporte at mga dokumento dahil sa masamang imahe na dulot nito.

Kasalukuyang nagpoprotesta ngayon ang mga overseas Filipino workers (OFW) sa Japanese Immigration sa hindi makatarungang deportasyon ng mga Pinay entertainers.

Nakatakdang magsagawa rin ng mga serye ng protesta ang mga Pinay entertainers sa Japanese Embassy sa Makati City dahil sa pagiging "bias" ni Sakanaka sa pagtutok sa paghuli sa mga Pilipino sa naturang bansa. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments