"Kailangan naming makuha ang kanilang pahayag para sagutin ang ilang katanungan at mga pagdududa", pahayag pa ni Gutierrez.
Nabatid na ang may-ari ng naturang mansion na matatagpuan sa Executive Heights Village, Barangay Sun Valley ay sina Teddy Sr. at Cora Monasterio, mga magulang ng dating PBL player na si Teddy Jr.
Bagamat inamin ni Gutierrez na kinausap siya ng mag-asawang Monasterio matapos ang naganap na raid sa shabu laboratory noong Nobyembre 1, ito umano ay hindi maikokonsiderang pormal na imbestigasyon dahil sa hindi makapagpasya ang mag-asawa kung lulutang sila at ang kanilang anak sa pulisya o magsusumite na lamang ng affidavit.
Binanggit pa ni Gutierrez na maraming "inconsistencies" sa mga impormasyong nakuha ng mga imbestigator na hindi maipaliwanag nang husto ng mga Monasterio.
"Sa ganitong paraan malilinis nila ang kanilang pangalan", pahayag pa ni Gutierrez.
Binanggit ng pamilya Monasterio na nagpasya silang magsalita makaraang isangkot na ng mga tabloid ang kanilang anak sa drug syndicate.
Sinabi ni Teddy Sr. na ang suspect na si Xuzi Bon Ong at asawa nito ay nagsimulang umupa sa kanilang bahay dalawang taon na ang nakakalipas. Ang mga ito ay hindi pumapalya sa pagbabayad ng upa na P70,000 kada buwan. Ang alam nila ay sangkot ito sa computer business.
Samantala, ipinag-utos naman ni Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) director Anselmo Avenido sa kanyang mga tauhan na imbestigahan ang pinagmulan ng mga chemical na nasamsam sa shabu laboratory sa Parañaque.
Malaki din ang paniwala ng pulisya na sangkot sa international drug syndicate ang Intsik na pangunahing maintainer ng sinalakay na super shabu laboratory.
Hiniling din nila sa Bureau of Immigration na magpalabas ng hold-departure order laban kay Kuang Tian Wei na itinuturo ng nadakip na si Xuzi Bin Ong na kasama niyang pumirma sa kontrata sa pagrenta sa bahay ng mag-asawang Monasterio. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Danilo Garcia)