Sinabi ni Gutierrez na ang two-storey mansion na nasa Executive Heights Subd., Barangay Sun Valley, Parañaque City na nirerentahan ng naarestong big-time shabu manufacturer noong Biyernes na si Bin Xu Zi ay pag-aari umano ng isang Teddy Monasterio na naging manlalaro rin ng De La Salle University.
Isang basketball uniform ni Monasterio ang natagpuan sa loob ng mansyon habang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang tauhan ng SPDO.
Gayunman hindi pa rin isinasara ni Gutierrez na maaaring mayroon pang ibang nagmamay-ari ng mansyon kung saan natagpuan ang kilu-kilo ng chemicals na ginagamit sa paggawa ng shabu.
Idinagdag pa ni Gutierrez na beberipikahin nila sa bangko ang impormasyon sa kung sino ang tunay na nagmamay-ari ng mansyon.
Samantala ay pormal na ring sinampahan sa Parañaque City Prosecutors Office ng kasong paglabag sa Republic Act. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang 30 anyos na Chinese national na suspek.
Ang pagkakaaresto ng suspek na naging daan sa pagkakatuklas ng laboratoryo ng shabu ay resulta ng mahigit na dalawang buwang pagmamatyag ng mga awtoridad.
Inamin ni Gutierrez na maging si Local Government Sec. Jose Lina Jr., ay nagsabi sa kanya ng pagkakaroon ng shabu lab sa Parañaque, ngunit nahirapan silang matukoy kung nasaan ang eksaktong lokasyon.
Ang aksidenteng pagkakaaresto kay Bin dahil sa pagtatapon ng basura noong Biyernes ang nagbigay kasagutan sa misteryosong shabu lab sa Parañaque.
Nang maaresto ay isang Mr. Lee ang itinurong employer ni Bin kung saan mayroon pa siyang limang kasamahan, ngunit hindi kinagat ng mga awtoridad ang panlalansi ng suspek.
Sakaling mapatunayang nagkasala si Bin ng paglabag sa R.A.9165 ay mahaharap ito sa parusang kamatayan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)