Ang sexy actress at ang FHM magazine ay pormal nang inireklamo ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City sa pamumuno ni Mayor Benhur Abalos dahil umano sa scandalous photo session na isang paglabag sa nilagdaan nitong kasunduan sa kanyang tanggapan.
Nabigyan ng permiso si Zubiri base sa kasunduan na magsusuot lamang ng shorts, pants at blouse o tube sa nasabing photo shoot subalit hindi naman ito nasunod at sa halip ay nagsuot ng t-back panty at bra sa pictorial sa EDSA-Shaw Blvd. flyover dakong alas-3 ng hapon kamakalawa na umanoy pinagpiyestahan ng mga nagdaraang motorista.
Nagsuot din umano ng two-piece si Zubiri na nagdulot ng matinding trapiko sa lugar dahil ang mga nagdadaan na motorista ay tumitingin pa sa aktres ngunit agad naman itong dinepensa ni FHM Editor-in-Chief Enrique Ramos at sinabing hindi naman nagkaroon ng traffic jam sa lugar.
Humingi na rin umano ng paumanhin ang FHM na pagmamay-ari naman ng Summit Publications ng Gokongwei family kay Abalos subalit hindi naman umano ito dahilan para iurong ang kaso.
Ipinaliwanag ni Ramos na mabilisan lamang at inabot lamang ng 30 minuto ang pictorial at mayroon din silang tulong mula sa MMDA para tiyakin na magiging maayos ang daloy ng trapiko sa west-bound lane.
Nangako naman ang FHM na hindi nito ipa-publish ang litrato ni Zubiri na nakasuot ng two-piece bagkus ang litrato kung saan nakasuot ito ng bra at shorts na lamang ang gagamitin.
Sa nasabing pictorial, unang nakasuot ng kulay pulang shorts, leather jacket at high heels si Zubiri na makikisakay naman sa isang sasakyan subalit sa kasunod na pictorial ay inalis na ang damit nito.(Ulat ni Joy Cantos)