Itoy matapos na mabigong dumating sa bansa ang mga kinatawan ng Guinness Book of World Records para suriin ang limang metrong habang pares ng Oxford shoes dahilan sa serye ng pambobomba at bomb threats sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Nabatid na ang mga video footage at iba pang mga dokumento hinggil sa nasabing sapatos na opisyal na lahok ng Marikina City ay ipinadala na sa mga kinatawan ng Guinness Book of World Records na nakabase sa London.
Sa kabila rin ng kabiguan ng mga dayuhang kinatawan ay natuloy pa rin ang Shoe Festival sa Marikina City kamakailan kung saan pormal na ipinakita sa publiko ang Oxford shoe na idinisplay sa Kapitan Moy Plaza sa Brgy. Sta. Elena ng lungsod.
"In our hearts, we have already won shortly after finishing the work on the shoes," pahayag ni Arthur Rivera, isa sa mga miyembro ng 10-Man Colossal Footwear Team na gumawa sa nasabing sapatos sa loob ng 77 araw at ginugulan ng P1.2 milyon.
Tiwala naman ang grupo ni Rivera na matatalo nila ang rekord ni Zahit Okular ng Turkey na hawak ang titulo ng pinakamalaking sapatos sa buong mundo sa loob ng 2 taon. Ang sapatos na ginawa ni Okular ay sumusukat ng tatlong metrong haba. (Ulat ni Joy Cantos)