Planong pagbomba sa NAIA nabunyag

Nabunyag ang posibleng pambobomba sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang matagpuan ang dalawang kahina-hinalang kahon na naglalaman ng posibleng gamit sa paggawa ng bomba at mga dokumento na naglalaman ng mga plano ng pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa parking area sa isang 5 star hotel na matatagpuan sa Ayala Center, Makati City kahapon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-11:35 kahapon ng umaga nang matagpuan ng isang guwardiyang nagpapatrulya ang dalawang kahina-hinalang kahon na nakalagay sa isang kulay puting Toyota Corolla na may plakang XAD-264,na nakaparada sa Slot E-11, Basement 3, parking area ng Oakwood Hotel, malapit sa Glorietta 4, Ayala Center ng lungsod na ito.

Hinihinalang naglalaman ito ng mga bomba, kaya’t kaagad na ni-report ng guwardiya sa kanyang supervisor ang naturang insidente na naging sanhi upang matakot at mataranta ang ilang mga kawani at mga turista ng naturang hotel.

Dakong ala-1:15 kahapon ng hapon nakatanggap ng tawag sa telepono ang Makati City Police, Bomb Squad Unit, Ordinance Group buhat sa isang Victor Mariano, house officer ng nabanggit na hotel.

Mabilis na rumisponde ang nasabing mga alagad ng batas kasama si Makati City Mayor Jejomar Binay.

Dahan-dahang binuksan ang dalawang kahon, nabatid na ito ay naglalaman ng crimp brald clamp made in Germany, six feet electrical wire at 25 pahinang dokumento na naglalaman hinggil sa plano ng NAIA International Passenger Terminal 3, tag outlet position ng cable list ng naturang international airport, special communication systems at coordinated panel layout na may taong 2002.

Nabatid na ang dalawang kahon ay maaaring iniwan ng hindi nakikilalang suspek at iniimbestigahan ng pulisya ang mga dokumentong nakuha, na maaaring ang puntirya ng mga bombers upang pasabugin ay ang NAIA. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments