Nabatid na isang joint petition para P1.00 dagdag na pasahe ang nakatakdang isampa ngayong Linggo ng transport groups sa tanggapan ng LTFRB.
Ang transport groups ay pinangungunahan ng Philippine Confederation of Drivers and Operators-Alliance of Concerned Transport Organization (PCDO-ACTO), Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators (PISTON) at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) kung saan ikinatwiran nito na hindi na maiiwasan ang fare hike.
Ayon kay PCDO-ACTO President Efren de Luna, isinasaayos na lamang ng tatlong transport group ang mga isusumiteng ebidensya sa LTFRB na magpapatibay sa kanilang petisyon at anumang oras ay isasampa na ito.
Sinabi ni de Luna na ang kanilang petisyon ay pagpapakita na taliwas sa mga pahayag ni LTFRB Chairman Dante Lantin hinggil sa kanilang sentimyento.
Ayon kay de Luna, nagkakaisa ang transport sector sa paghingi ng dagdag na pasahe dahil malaki na umano ang nalulugi sa mga ito mula nang magtaas ang presyo ng langis simula pa noong Marso. (Ulat ni Joy Cantos)