Sa ulat na tinanggap ni NCRPO chief Deputy Director General Reynaldo Velasco kay Supt. Arnold Aguilar ng Regional Intelligence and Investigation Division (RIID) na ang pagkakaligtas sa mga biktima ay bunga na rin ng pakikipagtulungan ng mga kamag-anak nito.
Nakilala ang mga nadakip na suspect na sina Estella Calderon, alyas Beng, 38, at Razel Laraya, 20, kapwa nagpapatakbo ng Lucky 5 Employment Agency ng Lot 4 Block 3 Tamban St., Dagat-Dagatan, Caloocan City.
Samantala, nananatiling nakakalaya ang recruiting officer na si Luz Endico.
Nabatid na bago pa man maaresto ang mga suspect, nagharap pa ng kasong kidnapping at serious illegal detention ang kapatid ng isa sa mga biktima makaraang humingi umano si Calderon ng halagang P10,000 para sa kalayaan ng kanyang kapatid sa kamay ng sindikato.
Dahil dito, nagsagawa ng operasyon ang RIID sa naturang employment agency noong Sabado dakong alas- 4 ng hapon laban sa mga suspect.
Matapos na madakip, nasagip din ang 16 na kabataang biktima ng mga ito.
Ang mga suspect ay sasampahan na ng kasong kidnapping at serious illegal detention sa Caloocan City Prosecutors Office. Samantalang ang mga biktima ay dinala sa kustodya ng DSWD. (Ulat ni Doris Franche)