Sinabi ni Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo, pinuno ng 26 na mambabatas na kabilang sa NCR Congressional block na labag sa batas ang Memorandum Order 77 ni Arroyo.
Nakasaad aniya sa Konstitusyon na isang national police force na civilian in character ang bubuo sa PNP na nasa ilalim ng kontrol ng National Police Commission (Napolcom).
Sinabi pa nito na nakahanda ang mga NCR solons na harangin ang anumang hakbang na amiyendahan ang Local Government Code at PNP Law upang maibigay lamang ang mga pulis sa mga alkalde.
Wala rin aniyang malinaw na pag-aaral na ginawa ang pamahalaan na magiging mahusay ang serbisyo ng PNP kung nasa ilalim ito ng mga alkalde.
Idinagdag din nito na kung ibibigay sa mga alkalde ang kontrol ng pulis ay babalik ang sistema ng private army kung saan nagagamit ang mga pulis.
Samantala, pinaboran naman ng Association of Chiefs of Police of the Philippines (ACPP) ang pagsasailalim sa kanila sa kapangyarihan ng mga alkalde sa mga lungsod at bayan na kanilang nasasakupan.
Sinabi ni ACPP chairman, retired police Director Guillermo Domondon na hindi naman umano mangyayari ang kinatatakutan ng ilan na magsisilbi silang mga private army ng mga alkalde.
Wala rin naman umanong nilalabag na batas ang MO na ipinalabas ng Malacañang.
Tiniyak din ni Domondon na hindi naman magiging political hostages ng mga local officials ang mga tauhan ng pulisya na maitatalaga sa kanilang mga lugar. (Ulat nina Malou R. Escudero at Joy Cantos)