Ito ang lumalabas sa isinagawang follow-up investigation ng CPD intelligence unit, kasabay ng pahayag na hindi NPA ang nang-ambus sa mga awtoridad.
Ayon kay Chief Insp. Rudy Jaraza, hepe ng DPIU, isang nagngangalang Boy Muslim ang napatay sa follow-up operation na isinagawa ng mga awtoridad sa hide-out ng grupo sa isang squatters area sa Quezon Avenue, kamakalawa ng gabi.
Nagkaroon ng habulan ang mga awtoridad at ang grupo at isang kanal ang sinasabing nilusutan ng mga suspect mula sa Lung Center patungong Wildlife.
Napatay sa naganap na engkuwentro si Boy Muslim, habang isang nagngangalang Asmin na lider ng grupo at isang Rodel ang nakatakas.
Ang grupong ito ang sinasabing may kinalaman sa pananambang kina Insp. Jacinto Basilio, SPO4 Lorenzo Basilio, SPO3 Miguel Gayuga na pawang nakatalaga sa CPD Station 6 at ang police asset na kinilala lamang na Oliver noong nakalipas na Sabado.
Nabatid na ang grupo ni Boy Muslim ay sangkot sa bentahan ng droga sa naturang lugar at may kinalaman din sa serye ng patayan.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas pang mga suspect. (Ulat ni Doris Franche)