Dead-on-arrival sa Martinez General Hospital ang biktimang si Chito Din, may-asawa, stay-in helper ng EUG Freight Services Incorporated na matatagpuan sa Dagat-Dagatan Avenue Center corner Tawilis Street, Dagat-Dagatan.
Nagpalabas naman ng manhunt operation si Sr. Supt. Benjardi Mantele, Caloocan City Chief of Police, sa kanyang mga tauhan laban sa di-nakikilalang suspek na tumakas matapos ang insidente.
Batay sa ulat ni PO2 Edgar Manapat, may hawak ng kaso, dakong alas-4:55 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Landasca Street at Dagat-Dagatan Avenue, Dagat-Dagatan ng nasabing lungsod.
Nabatid, papauwi umano ang biktima sa kanyang tinutuluyang kumpanya nang makasalubong nito ang suspek na mayroong mga kasama kung saan ay biglang napatingin si Din sa di-nakikilalang salarin.
Diumano, minasama ng suspek ang pagkakatingin ng biktima sa kanya kung kayat walang sabi-sabing binunot nito ang nakasukbit na kalibre .45 at pinaputukan si Din na tinamaan sa dibdib na duguang humandusay.
Agaran namang isinugod sa nasabing pagamutan ang biktima kung saan hindi ito umabot ng buhay habang mabilis namang tumakas ang salarin sa di nabatid na direksiyon.
Kasalukuyan ngayong nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa naganap na insidente at inaalam kung may nakakita ng pangyayari at nakakilala sa suspek. (Ulat ni Rose l. Tamayo)