Ang mga nagsipag-report sa BI ay ang TV host/ actress na si Vanessa del Bianco, gayundin ang magkapatid na Montero na sina Troy at KC.
Sa naging desisyon ng BI, si KC Montero ay inatasan ng BI na umalis ng bansa makaraang mapag-alaman na paso na ang visa nito, habang sina Vanessa at Troy naman ay inatasang mag-multa ng tig-P100,000. Subalit sa kabila na pinagmumulta na lamang si Vanessa at hindi naman ito pinapayagang magtrabaho hanggat hindi nagsusumite ng Special Working Permit.
Sa kaso naman ni Troy na kasama ang kanyang abogadong si dating Solicitor General Frank Chavez binigyan ito ng BI ng pagkakataong makapagsumite ng kanyang aplikasyon para sa ekstensyon ng pananatili dito dahil na rin may natititira pang anim na araw bago mapaso ang kanyang bisa.
Unang hiningi ni Domingo kay Troy Montero na magbayad ng halagang P300,000 multa katumbas ng tatlong taon nitong pamamalaging ilegal sa bansa, ngunit dahil na rin sa napakiusapan ang komisyon ay ibinaba na lamang ito sa halagang P100,000.
Ang kapatid nitong si KC ay inatasan namang umalis ng bansa dahil sa 21 araw ng paso ang kanyang tourist visa.
Sa kabilang banda, nainis si Domingo kay Atty. Miguel Damaso, abogado ni del Bianco dahil ng hingan ng paliwanag hinggil sa kung kailan pa isinasailalim sa proseso ang mga dokumento ng kanyang kliyente ay hindi maamin ng diretsahan na nabinbin ito.
Binalaan din ni Domingo sina del Bianco at Troy na ipatatapon din palabas ng bansa kapag hindi makakakuha ng working permit o recognition bilang Filipino citizen.
Bukod sa tatlong nabanggit, nananatiling nasa hot water sina Amanda Creeping; Nancy Castillione; Mark Nelson, habang si Assunta at Alexandra ay nasa ilalim pa rin ng imbestigasyon ng ahensiya. (Ulat ni Jhay Mejias)