P42-M halaga ng DVDs, vitamins nasamsam

Kinumpiska kahapon ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport ang labinsiyam na abandonadong bagahe na tumitimbang ng halos isang tonelada at naglalaman ng assorted digital video discs (DVDs) at siyam na kahong naglalaman ng iba’t ibang multi-vitamins na nahuli kahapon sa airport.

Tinatayang nagkakahalaga ng P40 milyon ang mga nasabat na DVDs, habang ang mga vitamins ay nagkakahalaga ng P2 milyon.

Batay sa ulat, ang mga kahon ng bitaminang nasakote ay ipinarating sa bansa ni Daniel Cruz Maliksi ng #840 Esteban St., Caridad, Cavite lulan ng Korean Airlines flight KE 622 mula sa Estados Unidos.

Nabigo namang maipakita ni Maliksi ang import permit mula sa Bureau of Foods and Drugs at anumang rehistro ng produkto nito mula sa pamahalaan kung kaya’t kaagad na nagpalabas ng warrant of seizure and detention order.

Samantalang ang mga kargamento ng DVDs ay nagmula sa Malaysia na walang nakasaad na pangalan ng may-ari na ipinadala sa Malaysian Airlines flight MH 704 kung saan tanging tag number lamang ng kompanya ng eroplano ang nakakabit dito.

Malaki ang paniniwala ng mga awtoridad na ang nagparating ng shipment ay miyembro ng smuggling syndicate na sangkot sa pagpapalusot ng mga hot cargo.

Inabandona ng pasaherong may dala ang bagahe nang mapansin nito na lubhang mahirap para ilusot ang kontrabando sa Customs counter ng arrival area. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments