Sa report na nakarating kahapon sa tanggapan ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane, nakilala ang pinalayang biktima na si Van Angelo Manglailan.
Ang sanggol ay dinukot nitong nakalipas na Miyerkules sa Purok 7 ng Brgy. Suyong, Echaque, Isabela ng suspect na si Zenaida Mercado Pedro, 34, isang dating OCW na asawa din ng isang sundalo.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na ang sanggol ay dinukot ng suspect bilang paghihiganti umano sa Tita ng bata na nagtsitsismis sa kanya dahilan naman ng pagkasira ng kanyang pamilya.
Nauna nang humingi ng P200,000 ransom ang suspect kapalit ng pagpapalaya sa sanggol kasabay nang pagbabanta na papatayin niya ang bihag kung hindi maibibigay ang pera.
Batay sa ulat, ang bata ay pinalaya kahapon dakong alas-11:15 ng umaga matapos ang isinagawang negosasyon ni Echague Mayor Leoncio Kiat at Isabela City Police chief Supt. Fernando Cristobal.
Ang sanggol ay sinundo ng mga awtoridad sa Manila at itinurn-over sa mga magulang nito na naghihintay sa bus terminal ng Victory Liner.
Maliban dito, wala nang nakuhang iba pang detalye sa pagpapalaya sa biktima. (Ulat ni Joy Cantos)