Sina PNR General Manager Jose Maria Sarasola II at Custom Commissioner at dating Board of Director Antonio Bernardo, Jose Cortez, Primitivo Cal, Felipe Siapno, Waldo Flores, Dionisio Ramos, Omar Roque, Rafael Mosura, Nick Fernandez, Bonaparte Roque, Josefina Santos, Cecile Coquia, Jose Vasquez Jr. at ang negosyanteng si Henry Lee Chuy ay sinampahan ng mga manggagawa ng PNR ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon sa reklamo ni PNR union president Edgar Bilayon, pumasok umano sa kontrata sina Sarasola at Bernardo bilang mga opisyal ng PNR upang ibenta ang halos 11-ektaryang lupain ng PNR na matatagpuan sa Brgy. Poblacion Dagupan City, Pangasinan at ibinenta ito sa Carried Lumber Co., Inc. na pagmamay-ari naman ni Chuy.
Ibinenta umano ang naturang lupain ng halagang P2,800 kada metro kuwadrado gayong lumalabas sa zonal value na umaabot ito sa P4,200 kada metro kuwadrado ang halaga.
Sinabi pa ni Bilayon na malaki ang pagkakautang sa PNR ng Carried Lumber Company dahil sa hindi nito nababayaran ang lupa na umaabot sa 8.5 milyong piso kayat hindi maaaring ibenta dito ang lupain.
Dahil na rin sa pagbebenta ng mga opisyal ng PNR ng lupa sa mababang halaga kung kayat nalugi ang pamahalaan ng halagang umaabot sa 106 milyong piso.
Bukod dito, kinuwestiyon din ni Bilayon ang ginawang pagnonotaryo ni Atty. Omar Roque sa deed of sale ng kontrata dahil wala umano itong kapangyarihan na magnotaryo sa Maynila gayong sa Caloocan lamang maaaring isagawa ang notaryo. (Ulat ni Gemma Amargo)