246 dayuhan tugis ng BI

Mahigit sa dalawang-daang mga dayuhan ang ipinapaaresto at ipinade-deport ng Bureau of Immigration makaraang hindi magbayad ng kaukulang permanent visa fee sa kabila ng ipinagkaloob na sa kanilang ilang taong amnestiya ng pamahalaan.

Ayon kay BI Commissioner Andrea Domingo mayroong kabuuang 246 na mga dayuhan na nabigyan ng visas ng Alien Social Integration Act (ASIA) ng 1995 ang pinaghahanap ngayon makaraang makasuhan ng deportation cases.

Ipinaliwanag ni Domingo na ang mga visas ng mga dayuhan ay kinansela ng BI Board of Commissioners matapos na hindi magsipag-bayad ng kanilang mga balanse sa integration fees na hanggang sa kasalukuyan ay kanilang utang sa pamahalaan ng makapasok ang mga ito sa ASIA.

Nilinaw pa nito na ilang beses nang na-extend ang deadline sa pagbabayad ng nasabing fees subalit binalewala ng mga dayuhang nasasangkot, maging ang mga notices na kanilang ipinadadala ay hindi rin sinasagot.

Ayon kay Atty. Marcela Malaluan, hepe ng BI Alien Social Integration Office na nawalan ang bansa ng humigit-kumulang sa P50 hanggang P60 milyon mula sa ASIA applicants na hindi nagbabayad ng kanilang integration fees.

Sa ilalim ng ASIA Act, ang principal applicant ay kailangang magbayad ng P250,000, samantalang P50,000 naman para sa asawa ng applicant at P25,000 naman para sa mga anak. Ang pagbabayad ay puwedeng gawing installment sa loob ng tatlong taon. (Ulat nina Jhay Mejias at Butch Quejada)

Show comments