2 miyembro ng Yakuza, timbog

Dalawang Hapones na pinaniniwalaang miyembro ng Yakuza gang na sangkot sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ang naaresto ng pulisya sa isinagawang operation, kahapon sa Ermita, Maynila.

Kinilala ni Senior Supt. Ernesto Ibay, ng Special Operation Group ang nadakip na dayuhan na sina Akihiro Nakao,50 at Naburo Okamoto, 46, kapwa tubong Kyoto, Japan at nanunuluyan sa Guerrero apartment na nasa Mabini St., Ermita, Maynila.

Batay sa ulat ng pulisya, naaresto ang dalawa dakong alas-8 ng umaga sa loob ng Room 31 ng nabanggit na apartment.

Nabatid na ang dalawa ay kapwa blacklisted sa Bureau of Immigration dahil sa pagiging undesirable alien o iligal na nananatili sa bansa ng walang kaukulang dokumento. Bukod dito, nakatanggap din ng ulat ang pulisya na ang dalawa ay sangkot sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa naturang lugar.

Ang dalawa ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Enrico Lazanas ng Branch 7 ng Manila Regional Trial Court.

Nakita din ng pulisya na putol ang hinliliit na daliri ni Okamoto na karaniwang ipinaparusa sa mga nagkakasalang miyembro ng Yakuza gang. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments