Siya ang kontrobersiyal na witness na nagsangkot kay Sen. Panfilo Lacson sa drug trafficking at kidnap-for-ransom operation.
Ito din ang nagdawit kay Sen. Loren Legarda sa isyu ng cellphones.
Matapos na lumamig ang mga isyung ibinunyag nito, si Ador Mawanay ay makikita pa rin sa loob ng Senado, subalit hindi na para magbunyag ng kanyang mga nalalaman kundi ngayon ay nagbebenta na ito ng cellular phones sa mga empleyado at staff ng mga senador.
Bagsak presyo umano ang halaga ng mga brand new cellphones na inilalako ni Mawanay sa mga empleyado ng mataas na kapulungan.
Hindi naman binanggit ni Mawanay kung saan nagmumula ang mga ibinebenta niyang mga cellphone.
Magugunita na wala na sa custody ni ISAFP chief Victor Corpuz si Mawanay matapos itong tanggalin sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).
Magugunitang bukod sa pagbubunyag nito kay Sen. Lacson na sangkot sa mga ilegal na operasyon, idinawit din nito si Sen. Legarda nang sabihin niya sa senate committee on public order and illegal drugs na nagdeliber umano siya dito ng isang van ng brand new 3210 Nokia cellphones sa parking lot ng Star City complex. Dahil ditoy na-detain si Mawanay sa tanggapan ng Office of the Sergeant-at-Arms kung saan ay tumagal siya ng may tatlong araw. (Ulat ni Rudy Andal)