Kinilala ni Chief Inspector Rodolfo Jaraza, hepe ng homicide division ang dalawang nadakip na suspects na sina Renato Carino, 19, ng Quezon City at Alvin Aquino, 20, ng Sampaloc, Maynila. Ang mga suspect ay natunton ng operatiba ng CPD sa Baguio City kamakalawa ng umaga.
Base sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na nasa Baguio ang dalawang suspect kaya agad na nagtungo doon ang mga tauhan ni Jaraza. Natunton ang mga ito sa #7 Santo Niño Subd., Brgy. Bagaquin ng nabanggit na lungsod.
Narekober sa mga ito ang isang handycam, camera, shorts at t-shirts.
Samantalang ang sasakyan ng biktimang dayuhan na si Mirko Moeller, 36, na isang Nissan Sentra ay natagpuan sa Magsaysay Road sa Cordon, Isabela.
Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon na ang dalawang suspect ay kinuha ng biktima sa isang karaoke bar sa Pasig City. Dinala ito ng biktima sa kanyang bahay at doon maaaring hindi nagkasundo sa gustong ipagawa ng dayuhan na sinasabing isang bading kaya nagkaroon ng mainitang pagtatalo.
Ang biktima ay napatay makaraang hatawin sa ulo ng dumbell na may bigat na 16 pounds. (Ulat ni Grace dela Cruz)