28-anyos dedo sa kuyang nabitin sa toma

Matapos umanong mabitin sa alak, isang 28-anyos na lalaki ang pinatay sa saksak ng kanyang nakatatandang kapatid kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Ospital ng Makati ang biktimang nakilalang si Jaime Reyes, ng #262 Guijo St., Brgy. Cembo ng lungsod na ito sanhi ng 10 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sumuko naman sa pulisya ang suspect na nakilalang si Jerry Reyes, 30, at nakatira rin sa nasabing lugar.

Base sa imbestigasyon ni PO1 Ricky Tan ng Homicide Section, Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:15 kamakalawa ng gabi sa nabanggit na lugar.

Nabatid na masayang nag-iinuman ang magkapatid hanggang sa maubos ang alak. Nabitin ang suspect na si Jerry kaya’t nagalit ito sa nakababatang kapatid.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid hanggang sa kumuha ng patalim si Jerry at inundayan nito ng saksak ang kapatid. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments