Kaso ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, ibinasura ng korte

Ibinasura kahapon ng Makati Regional Trial Court ang kasong illegal possesion of firearms laban sa mag-asawang Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Carolina "Bobbie" Malay.

Ang nasabing kaso ay isinampa laban sa mag-asawa 13 taon na ang nakakaraan.

Kinatigan ni Judge Rebecca Mariano ng Branch 136, ang Omnibus Motion na inihain kamakailan ng abogado ng kongresista na humihiling na idismis na ang kaso at wala rin siyang makitang sapat na ebidensya laban sa mag-asawa.

Ayon sa mga defense lawyers, gumamit ang mga pulis ng illegal search warrant nang pasukin ng mga ito ang tinutuluyang tirahan ng mag-asawa sa Makati City noong 1989 at natagpuan umano ang isang kalibre .45 at .38 pistol.

Noong 1992, ideneklara ng Court of Appeals na ilegal ang ginamit na search warrant kaya’t hindi maaaring gamiting ebidensiya sa korte ang dalawang baril na nakuha umano sa tahanan ng mag-asawa.

Subalit hindi kaagad nadismis ang kaso dahil sa dinesisyunan muna ang pagkuwestiyon ni Ocampo sa nasabing search warrant. (Ulat nina Malou Escudero at Lordeth Bonilla)

Show comments