2 miyembro ng 'Resto Gang' na nangholdap sa Jollibee, timbog

Dalawa sa sampung miyembro ng tinaguriang "Resto Gang" na sangkot sa panghoholdap sa isang Jollibee branch sa Pasig City noong nakalipas na Agosto 17 ang naaresto ng mga awtoridad.

Ang dalawang nadakip na sumasailalim na ngayon sa tactical interrogation para alamin kung saan-saan pa nasangkot ang kanilang grupo sa naganap na serye ng restaurant robbery cases.

Nakilala ang dalawang nadakip na suspects na sina Alcher Dialino ng Las Piñas City at Jesse Calda ng Tondo, Maynila.

Ang dalawa ay posibleng iprisinta ni Chief PNP Director General Hermogenes Ebdane Jr. kay Pangulong Arroyo anumang oras ngayong araw na ito.

Ang pagkadakip sa dalawa ay bunsod sa tulong na ibinigay ng isang 45-anyos na taxi driver na naroon sa bisinidad nang maganap ang panghoholdap sa Jollibee outlet na nasa Manggahan Village Center sa Barangay Manggahan sa Pasig, noong Agosto 17, dakong alas- 7:30 ng gabi.

Ang dalawa ay kinilala ng taxi driver sa pamamagitan ng police rogue’s gallery. (Ulat ni Non Alquitran)

Show comments