Ito ang maugong sa buong lungsod, kasabay nang pagsasabing layunin din nito na maipakitang hindi kayang pigilan ng kasalukuyang Mayor na si Joey Marquez ang pagtakbo ni Alma.
Ang naturang grupo, ayon pa sa impormante ay tinaguriang "Alma Moreno Para sa Mahihirap na Mamamayan" ay sinasabing nakarehistro na sa Securities and Exchange Commission (SEC). Ito umano ay inorganisa ng aktres bago pa man ang break-up nito sa kanyang asawa.
Layunin ng grupo na maipagpatuloy ni Moreno ang mga nasimulan niyang proyekto noong nagsasama pa sila ni Marquez, kabilang dito ang Libreng Libing Foundation at ang medical-dental mission.
Binanggit pa ng source na nakuha ni Moreno ang suporta ng maraming community leaders na nag-uudyok sa kanya na tumakbo bilang alkalde.
Sa isinagawa namang survey, lumalabas na nangunguna si Moreno sa iba pang naghahangad sa pagka-alkalde kabilang dito si ex-Mayor Pablo Olivarez, incumbent Vice-Mayor Florencio Bernabe Jr. at incumbent councilor/comedian na si Anjo Yllana.
Nasa likod din umano ni Moreno ang "Samahan ng mga Kababaihan sa Parañaque".
Lumalabas na lubhang naapi si Moreno sa nangyari sa kanila ng kanyang asawa at ng aktres/TV host na si Kris Aquino kung kaya marami ang nakikisimpatiya dito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)