Kargador nilasing muna bago kinatay ng kainuman

Nilasing muna bago tuluyang kinatay ang isang 25-anyos na kargador ng palengke ng isa sa tatlo niyang kainuman, kahapon ng umaga sa Navotas.

Nasawi sa mismong lugar na pinangyarihan ng insidente sanhi ng maraming saksak na tinamo sa katawan ang biktimang si Randy Frayeres, ng Brgy. Sipac, ng nabanggit na bayan.

Kasalukuyan namang nagtatago at hinahanting ng pulisya ang suspect na nakilalang si Rolando Quinano at ang dalawang kasamahan nito na sina Monching dela Cruz at isang alyas Tusoy na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.

Base sa ulat ni PO3 Noel Banarez, may hawak ng kaso, dakong alas-11 ng umaga ng maganap ang insidente sa Pitong Gatang, Brgy. Sipac, Tabing-dagat ng nasabing bayan.

Nabatid na bago naganap ang krimen niyaya ng mga suspect ang biktima ng inuman na pinaunlakan naman ng huli. Nang malasing na ang biktima ay saka walang babalang inundayan ito ng sunud-sunod na saksak sa katawan ni Quinano.

Mabilis na nagsitakas ang mga suspect matapos ang insidente.

Hindi pa malinaw kung ano ang motibo sa naganap na krimen. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments